AFP, may paglilinaw hinggil sa pahayag na posibleng ‘invasion’ sa Taiwan

Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang utos ni Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. sa Northern Luzon Command (NOLCOM) sa kanilang anibersaryo kamakailan.

Ayon sa AFP, walang banta o heightened alert status na idineklara, kundi isang hakbang lamang upang tiyakin ang kahandaan sa anumang sitwasyon.

Matatandaang sinabi ni Brawner na pinaghahanda nya ang mga sundalo sakaling magkaroon ng ‘invasion’ o pagsalakay sa Taiwan.


Partikular na pinatutukan ni Brawner ang Non-combatant Evacuation Operations bilang paghahanda sa posibleng paglilikas ng nasa 250,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Taiwan sakaling lumala ang sitwasyon doon.

Tiniyak din ng Sandatahang Lakas sa sambayanang Pilipino na gagampanan nila ang kanilang tungkulin nang may propesyonalismo at pagiging mapagmatyag.

Kasunod nito, patuloy na mino-monitor ng AFP ang sitwasyon upang makasigurong handa sa anumang pangyayari at mapanatili ang kapayapaan at seguridad ng bansa.

Facebook Comments