AFP: Mga bansang nagpahayag ng suporta sa Pilipinas sa tensyon sa WPS, dapat umaksyon din

Nanawagan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga kaalyadong bansa na magbigay rin ng kaakibat na aksyon sa mga inilalabas na suporta sa Pilipinas sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Sa Pre-SONA briefing, sinabi ni AFP chief-of-staff General Romeo Brawner Jr., na welcome sa kanila ang paglakas ng relasyon sa mga kaalyado tulad ng America at iba pang bansa para sa magkatuwang na pagtataguyod ng rules-based international order.

Gayunpaman, hindi umano sapat na maglabas lamang ng pahayag dahil kinakailangan din ang suporta sa pamamagitan ng aksyon.


Sinabi ni Brawner na ganito naman ang ginagawa ng ibang bansa tulad ng paglahok sa joint sails at exercises, at pagtulong sa pagsasanay at modernisasyon ng pwersa ng bansa.

May mga bansa rin umano sa Europa ang nag-aalok ng mga kagamitan at training.

Samantala, sinabi rin ng heneral na mapapansing halos wala nang kaalyado ang China dahil sa patuloy na pambu-bully at iligal na pag-angkin sa teritoryo ng Pilipinas.

Facebook Comments