Tiniyak ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na magkakaroon ng sapat na pondo sa ilalim ng 2025 national budget ang modernization and welfare programs ng Armed Forces of the Philippines o AFP.
Binigyang diin ni Romualdez na ang Kamara ay patuloy na kumikilos para mapag-ibayo ang mga polisya na magpapalakas sa kakayang pangdepensa ng sandatahang lakas at magpapahusay sa kalagayan ng ating mga sundalo para mapanatili ang kaligtasan at seguridad sa buong Pilipinas.
Sabi ni Romauldez, ang Kongreso ay kaisa sa pagsisikap ng administrasyon na maiangat ang ating defense systems sa pamamagitan ng pagkakaloob sa AFP ng mga kagamitan, latest technology at resources na kailangan sa makabago o kasalukuyang panahon.
Binanggit ni Romualdez na higit ding pinapahalagahan ng Kongreso at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kapakanan ng mga sundalo.
Sa pamamagitan aniya ito ng pagpapatupad ng mga programa na magpapahusay sa kondisyon ng kanilang pamumuhay, susuporta sa kanilang pamilya at tutulong na maayos nilang magampanan ang kanilang tungkulin.