AFP Modernization Program, kailangan ng mas malaking pondo; submarine, isa sa pinaplanong bilhin

Nangangailangan ng mas malaking pondo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa kanilang modernization program.

Ito ang hiniling ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., sa Kongreso sa gitna ng agresibong pagkilos ng China lalo na ang pambobomba ng tubig sa supply boat ng militar sa Ayungin Shoal nitong Agosto 5.

Ayon kay Brawner, kabilang sa mga kailangan nila para sa AFP Modernization Program ay mga barko, eroplano, drones at air defense system.


Kung kakayanin din aniya ng pondo ng militar ay bibili sila ng submarine.

Nabatid na ang Pilipinas ang bukod tanging walang submarine sa mga bansa sa Southeast Asia na ginagamit para mas mapalakas ang seguridad sa karagatan.

Nilinaw rin ni Brawner na kahit ang pribadong sektor ay maaaring magbigay ng suporta sa militar partikular na sa mga programa nito.

Nauna nang hiniling ng militar sa Kongreso ang 27 bilyong piso para sa modernization program para sa taong 2024.

Facebook Comments