Aminado si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., na nababahala na sila sa mga nangyayaring insidente na kinasasangktan ng China sa West Philippine Sea.
Sa pahayag ni Brawner sa Kapihan sa Manila Bay, kinakailangan ngayon na mapalakas pa ang kanilang pwersa sa pamamagitan ng makabangong kagamitan.
Aniya, umaasa sila na magkakaroon ang bansa ng sarili nitong industriya sa paggawa ng mga kagamitang pang-giyera.
Iginiit ni Brawner na sa pamamagitan nito ay hindi na dedepende sa ibang bansa ang Pilipinas kung kinakailangan nito ng mga armas.
Dagdag pa ng opisyal, sana ay mabuhay ulit ang nasabing industriya para sa kapakanan ng depensa ng Pilipinas upang kahit papaano ay may pantapat sa malalakas na pwersa ng ibang bansa.
Muli naman inihayag ni Brawner na walang karapatan ang China na harangin ang pagsasaayos ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Paliwanag ni Brawner, hindi naman pinakialaman ng bansa ang China ng magtayo sila ng artificial islands sa West Philippine Sea.