AFP, naghahanda na para sa mas istriktong pagpapatupad ng ECQ

Inihahanda na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga tropa nito para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng quarantine sa gitna ng COVID-19 crisis.

Ito ang kinumpirma ni AFP Spokesperson Marine Brig. Gen. Edgard Arevalo matapos na mag-leak online ang abiso ng Philippine Air Force (PAF) sa mga tauhan nito na maghanda kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na mala-martial law ang pagpapatupad ng quarantine measures.

Sa ilalim ng memo na may petsang April 17, nakasaad na magiging over-all in-charge sa mga kalsada at highway ang AFP. Pero ayon kay AFP Spokesperson Marine Brig. Gen. Edgard Arevalo, walang dapat ika-alarma ang publiko.


Sa ngayon ay wala pa naman aniyang utos ang Pangulo pero tungkulin at nakaugalian na sa panig ng PAF at AFP na magkusang i-alerto ang mga tauhan nito.

Dagdag pa ni Arevalo, kung mayroon mang dapat ikabahala, ito ay ang patuloy na paglabag ng marami sa batas at hindi pagsunod sa mga rules at health protocols sa gitna ng banta ng COVID-19.

Noong huwebes, matatandaang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis at sundalo na maging handa sa pagpapatupad ng mas mahigpit na curfew at social distancing measure kung patuloy na magiging pasaway ang publiko sa gitna ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Facebook Comments