Muling tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na poprotektahan nila ang interes ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay kasunod ng mga ulat na nasa higit 200 militia vessels ng China ang namataaan sa Julian Felipe Reef na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, natanggap na nila ang report ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasa 220 Chinese fishing vessels na pinaniniwalaang minamando ng maritime militia personnel ang naispatan sa naturang bahura noong March 7.
Ang AFP Western Command ay nagpadala sa Air Force at Navy assets para magsagawa ng air at maritime sovereignty patrols para kumpirmahin ang ulat.
Ang mga report hinggil dito ay ipinadala na sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
Ang Julian Felipe Reef, ay isang malawak at mababaw na coral reef na nasa hilagang silangan ng Pagkakaisa Banks and Reefs o Union Reefs na nasa 175 nautical miles kanluran ng Bataraza, Palawan.