AFP, naka-alerto kasabay ng ‘ATIN ITO! Concert’ sa WPS

Handang umalalay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sakaling kailanganin sa ikatlong civilian mission ng grupong Atin Ito sa West Philippine Sea.

Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, Phil. Navy Spokesperson for the WPS, nakipag-ugnayan na sa kanila ang grupo.

Sa ngayon, hindi na tinukoy ni Trinidad kung anong military assets ang posibleng gamitin, dahil ito raw ay nakadepende sa diskarte ng Western Command (WESCOM) o Northern Command (NOLCOM).

Hindi rin aniya limitado sa Philippine Navy ang pwedeng rumesponde dahil maaari ding gamitin ang pwersa mula sa Philippine Air Force o PAF.

Nagpasalamat naman si Trinidad sa suporta ng grupo sa isyu ng soberenya at kalayaan ng bansa sa pinagtatalunang karagatan.

Nabatid na tampok sa civilian mission ng Atin ito ang concert sa El Nido, Palawan at sa mismong Pag-asa Island sa West Philippine Sea kung saan magtatanghal ang ilang Filipino at international artists.

Facebook Comments