AFP, naka-handa na para sa Bagyong Mawar

Nakaalerto na ang lahat ng search, rescue and retrieval units ng Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular na sa mga lugar na inaasahang maapektuhan nang pananalasa ng Bagyong Mawar.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, pinatitiyak ng pamunuan ng Sandatahang Lakas sa lahat ng unified commands ang kahandaan ng kanilang Humanitarian and Disaster Relief (HADR) equipment at assets at aktibong lumahok sa mga coordinating meeting ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.

Ani Aguilar, handa na ang mga sasakyan at tauhan ng AFP na tutulong sa paglilikas ng mga residente sa mga maaapektuhang lugar.


Naka-standby na rin aniya ang air at naval assets ng AFP, para i-deploy sa aerial assessment, transport at evacuation kung kakailanganin.

Sa kabuuan, nasa 7,970 tauhan ng AFP, 4,242 CAFGU active auxiliary members at 180 reservists ang naka-alerto bilang first responders; at 2,518 land transportation assets, 20 air assets at 265 water assets ang handang i-deploy ng AFP para sa humanitarian and disaster relief operations.

Facebook Comments