AFP, naka-red alert sa harap ng mga kilos protesta laban sa katiwalian

Itinaas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa red alert status ang lahat ng unit nito simula Setyembre 12, kasabay ng mga ikinasang kilos-protesta laban sa korapsyon sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, bahagi ito ng precautionary measure at standard security protocol upang matiyak ang kahandaan ng Sandatahang Lakas sa anumang sitwasyon.

Sa ilalim ng red alert, naka-standby ang tropa sa mga kampo habang suspendido ang lahat ng leave ng mga sundalo para sa agarang pagresponde kung sakaling may hindi inaasahang pangyayari.

Nilinaw rin ni Padilla na walang dapat ikabahala ang publiko dahil layon lamang ng hakbang na ito na tiyakin ang suporta ng AFP sa Philippine National Police (PNP) na siyang pangunahing may mandato sa pagpapanatili ng peace and order.

Dagdag pa ng Sandatahang Lakas, nirerespeto nila ang karapatan ng bawat Pilipino na magpahayag at magsagawa ng mapayapang pagtitipon, ngunit hindi papayagan ng militar na magamit ito para sa karahasan o kaguluhan.

Facebook Comments