AFP, nakahanda na kaugnay sa plano ng CPP-NPA na magdeploy ng “partisan units” sa mga urban areas

Siniguro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nananatiling handa ang mga sundalo sa anumang terror threat ng Communist Party of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA).

Ito ay matapos ang pahayag ng CPP-NPA na pinaplano nila ang pagde-deploy ng kanilang partisan units sa mga urban areas para atakehin ang tropa ng gobyerno.

Sa isang statement, sinabi ni CPP Founding Chairman Jose Maria Sison na magsasagawa ng operasyon ang ide-deploy nilang armed partisan sa mga siyudad.


Ayon naman kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, haharapin ng tropa ng militar ang banta ng CPP-NPA.

Aniya, kumpara noong 1980’s ay mas handa na ngayon ang AFP para tapusin ang terorista sa bansa at naniniwala siyang kasama ng AFP ang sambayang Pilipino para labanan ang mga terorista.

Sinabi ni Arevalo na ang tinutukoy ni Sison na partisan units ay mismong ang terrorist NPA assassins na ang mga target ay mga government officials at non-combatant civilians.

Inihayag pa ni Arevalo na nanaginip ng gising si Sison na ngayon ay namumuhay nang marangya sa ibang bansa dahil sa inaakala nitong magtatagumpay ang kanilang ipinaglalaban.

Dahil sa ngayon, patuloy ang pagdami ng mga NPA leaders na sumusuko sa gobyerno at marami rin ang na-neutralize na.

Facebook Comments