AFP, nakahanda sa pagsasagawa ng humanitarian assistance at disaster response operations

Naka-standby na ang pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kasabay nang pananalasa ng Bagyong Karding.

Ayon kay AFP Public Affairs Office chief, Col. Jorry Baclor, bago pa man makapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo ay nakahanda na ang lahat ng kanilang units.

Kabilang sa mga nakahanda na para sa humanitarian assistance and disaster response operations ay ang Northern Luzon Command, Southern Luzon Command, at Western Command at lahat ng units na nasa ilalim ng kanilang joint operational control.


Naka-deploy narin ani Baclor, ang kanilang mga truck at personnel para tumulong sa mga lugar na nagsasagawa na ngayon ng mandatory evacuation ng mga residenteng nakatira sa mga peligrosong lugar.

Handa narin maging ang kanilang air at naval assets para sa aerial assessment, transport, at evacuation operations.

Kasunod nito, nananawagan ang AFP sa publiko na manatiling vigilante, makinig palagi sa taya ng panahon at sumunod sa mga awtoridad upang walang maitalang untoward incident kasabay nang pananalasa ng Bagyong Karding.

Facebook Comments