AFP, nakakuha ng mataas na satisfaction rating dahil sa mabilis na pagtugon sa paglaban sa COVID-19 batay sa isang survey

Mas pag-iigihan pa ng hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagtugon at pagtatrabaho para makatulong sa paglaban sa COVID-19.

Ito ang pahayag ni AFP Chief of Staff General Felimon Santos Jr. matapos na makakuha ng 90% satisfaction rating ang AFP sa isinagawang survey ng RLR Research and Analysis Inc.

Ginawa ang survey sa pamamagitan ng computer assisted telephone interview sa 1,275 households sa Metro Manila.


Bukod sa AFP, kabilang sa isinailalim sa survey ang Philippine National Police (PNP) na nakakuha ng 88% satisfaction rating, Inter-Agency Task Force (IATF) na 74%, Department of Health (DOH) na 68%, Department of Social Welfare and Development (DSWD) 59% at Department of Labor and Employment (DOLE) 45%.

Sa ngayon, patuloy ang ayuda ng AFP sa gobyerno para makatulong sa paglaban sa COVID-19.

Sa katunayan, 70,000 indibidwal ang napakain ng AFP sa kanilang AFP Mobile Kitchen na naglilibot sa Metro Manila simula April 20, 2020.

Tumutulong din ang mga sundalo sa pagtatayo ng mga quarantine assistance station at mga emergency quarantine facilties at nagbibigay rin ng libreng transportasyon.

Kabuuang 2,400 Locally Stranded Individuals (LSIs) na rin ang kanilang napauwi sa pamamagitan ng AFP Tulong Uwi program.

Facebook Comments