Manila, Philippines – Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi sila kasama sa mga nakipagnegosasyon sa mga terorista sa Marawi.
Nangyari ito kasabay ng pansamantalang tigil-putukan nitong linggo sa pagitan ng militar at ng Maute group.
Walong imam ang pumasok sa syudad at nakipag-usap sa Maute group kung saan sinamahan sila ni Peace Process Assistant Secretary Dickson Hermoso.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Col. Edgard Arevalo – nakaharap ng grupo ang magkapatid na Abdullah at Omar Maute na napaulat na napatay sa opensiba ng militar.
Pero hindi na alam ni Arevalo kung ano ang napagkasunduan ng magkabilang panig.
Ang malinaw aniya, kinumbinsi ni grupo ang mga terorista na pakawalan ang 200 sibilyan na naiipit pa rin kabilang ang kanilang mga bihag.
Nilinaw naman ng Arevalo na hindi sila nakikipagnegosyasyon sa mga terorista.
Iginiit din ni Arevalo na tulu’y-tuloy pa rin ang kanilang opensiba laban sa mga kalaban.
Sa huling tala ng AFP, pumalo na sa 270 terorista ang napapatay ng militar, 70 naman sa hanay ng gobyerno.