Hinding-hindi magpapatinag ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na ipagtanggol ang maritime at air domain ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ito ang sinabi ni Philippine Navy Spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad kasunod ng ginawang pagpapakawala ng flares ng mga eroplano ng China malapit sa eroplano ng Philippine Air Force na nagpapatrolya sa bisinidad ng Bajo de Masinloc noong Agosto 8.
Ayon kay Trinidad, ang insidenteng ito ay hindi hadlang sa mga piloto ng Philippine Air Force sa paggampan ng kanilang mandato na magsagawa ng maritime air surveillance flights.
Ani Trinidad, mismong si Defense Secretary Gilbert Teodoro na ang nagsabi na mayroong lakas at brute force ang People’s Liberation Army Air Force, pero wala naman silang paggalang sa International Law.
Paliwanag ni Trinidad, sa mga ganitong sitwasyon, mas importante ang “Will to fight” kaysa sa tapatan ng eroplano sa eroplano o barko sa barko.
Binigyang diin din nito na dahil sa provocative action ng China ay lalo lamang nag-alab ang pagmamahal sa bayan ng bawat tauhan ang AFP at kanilang paiigtingin ang determinsasyon na ipagtanggol ang pambansang teritoryo.