Siniguro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mananatili ang kanilang presensya sa lahat ng istasyon ng bansa sa West Philippine Sea (WPS) partikular na sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ito ang tiniyak ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., kay United States Secretary of the Air Force Frank Kendall matapos magsagawa ng courtesy call sa Camp Aguinaldo nitong Biyernes kasama si US Ambassador to the Philippines Marykay Carlson.
Sa pulong ng dalawang opisyal, napag-usapan ang pagpapatuloy ng military engagements at cooperative activities kabilang na ang maritime cooperative activity, bilateral exercises at EDCA sites projects na layong ipakita sa buong mundo ang matatag na alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos.
Kasunod nito, nagpasalamat si General Brawner sa patuloy na suporta ng Estados Unidos sa AFP at sa bansa sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).