Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang magaganap na tigil-putukan sa pagitan ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CCP-NPA-NDF) ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay AFP Spokesman Col. Ramon Zagala, tututukan nila ang pangangalaga sa estado laban sa banta ng mga rebelde na magtatangkang sirain ang pagdiriwang ng Kapaskuhan sa gitna ng pandemya.
Nabatid na taong 2017 pa walang ipanatutupad na holiday truce ang pamahalaan laban sa mga rebelde.
Dahil dito, naging mapayapa ang mga nakaraang Kapaskuhan at mas tumibay pa ang ginagawang pagbabantay ng AFP taon-taon.
Sa kabila nito, nilinaw ng AFP na kung may ipag-uutos ang mga nakatataas sa kanila lalo na kung mula sa Commander-in-Chief na si Pangulong Rodrigo Duterte ay agad nila itong susundin.