Hindi muna magbibigay ng kumento ang Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa inilabas na desisyon ng Manila Regional Trial Court Branch 19 na nagbabasura sa petisyon ng Department of Justice (DOJ) na humihiling na ideklarang teroristang grupo ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, hindi pa nila natatanggap ang kopya ng resolusyon ng korte kung kaya’t no comment muna sila sa kaso.
Ani Aguilar, hindi akma na magbigay ng kumento sa isang kaso kung wala pang kopyang natatanggap ang kabilang panig para ito ay mapag-aralan o himayin.
Matatandaang sa hirit ng DOJ, nais nilang maideklarang terrorist group ang CPP-NPA dahil sa 12 terror activities na kagagawan umano ng grupo kabilang dito ang mga pag-atake sa Negros Occidental at Oriental, Surigao, Misamis, Bukidnon, Cagayan de Oro City at Davao.
Nauna nang naglabas ng proklamasyon si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagdedeklara sa CPP-NPA bilang teroristang grupo dahil sa paghahasik ng karahasan at takot sa bansa.
Gayunman, sa ilalim ng Section 17 ng Human Security Act of 2007, kinakailangang dumaan sa korte ang pagkonsidera sa isang organisasyon bilang teroristang grupo para mabigyan ito ng pagkakataon na maipagtanggol ang kanilang panig.