AFP Officers Village Inc. at DITO haharap sa isang referendum sa isyu ng Cybersecurity?

 

Nahagarap ang DITO Telecommunity sa matinding hamon na kumbinsihin ang isang health at cybersecurity-conscious community ng mga retired at active military officer na mahigpit na tumututol sa pagtatayo ng 5G cellular towers sa loob ng kanilang village.

Sa isang online petition, ipinabatid ng AFP’s Officers Village, Inc. ang kanilang mariing pagtutol sa planong konstruksiyon ng mag-partner na Dito at China Telecom ng may 20 cellular towers sa kanilang subdivision.

Ang pagpasa sa ‘Bayanihan 2’ law ay nagbigay sa umaalmang homeowners’ group ng karapatan na harapin ang Dito sa isang referendum na pangangasiwaan ng barangay council sa lugar.


Karamihan sa mga residente sa AFP officers’ village ay napaulat na tutol sa planong pagtatayo, na nag-udyok sa local authorities na magtakda ng wala pang petsang referendum upang resolbahin ang isyu.

“I am worried about the cybersecurity risk posed by this 5G Dito towers inside our village,” wika ng isang retired military general, na idinagdag na ganito rin ang sentimyento ng iba pang active at retired gov’t officials na naninirahan sa lugar.

Binigyang-diin ang banta sa pambansang seguridad, ibinunyag sa petisyon na may 40 residente ang kasalukuyang humahawak ng key positions sa gobyerno, “bukod pa sa katotohanang ang aming village ay malapit na malapit sa headquarters ng Air Force, Army at Navy.”

“We are opposed to the cellular sites because it poses grave danger to our national security,” wika ng mga residente sa Duque at Bautista streets kung saan umano itatayo ang ilan sa Dito towers.

Ayon sa mga residente, noong March 2020 ay may ilang tauhan ng Dito ang bumisita sa kanilang village na may 4,000 lot owners. “They come to convince us, but failed,” dagdag pa nila.

Facebook Comments