AFP: Pagdami ng mga barko ng China sa Ayungin Shoal, hindi makakapigil sa resupply mission

Walang sinumang makakapigil sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagsasagawa ng Rotation and Resupply (RoRe) Mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ito ang inihayag ni AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar kaugnay ng napaulat na pagdami ng mga barko ng China sa paligid ng Ayungin Shoal, kasunod ng huling matagumpay na resupply Mission sa BRP Sierra Madre.

Ayon kay Col. Aguilar, lehitimo ang regular na resupply mission sa BRP Sierra Madre dahil may mga tauhan ang AFP na naka-istasyon doon na kailangan suplayan ng mga pagkain at iba pa.


Giit pa nito kung nagpapadalas man ang resupply mission, walang pakialam ang ibang mga bansa sa anuman ang gawin ng AFP teritoryo ng bansa.

Bukod aniya sa pag-ehersisyo ng sovereign rights at hurisdiksyon sa lugar, ang mga aksyon ng AFP sa Ayungin Shoal ay bilang pagtataguyod ng rules based international order, kung saan tumutupad ang AFP sa international convention on the Law of the Seas (UNCLOS).

Sinabi pa ng opisyal na may mga mekanismo na itinatakda ang international convention sa pag-resolba ng mga dispute sa karagatan, at hindi ito sa pamamagitan ng paggamit ng water cannon tulad ng ginawa ng Chinese Coast Guard.

Facebook Comments