AFP, patuloy ang panawagan sa NPA na tigilan na ang pagre-recruit ng mga kabataan

Hamon ngayon ng militar sa New People’s Army (NPA) na tigilan na ang pagre-recruit ng mga kabataan para maging child warriors.

Ayon kay Eastern Mindanao Command Chief Lt. Gen. Greg Almerol kung mayroong mga puso ang NPA, dapat nilang igalang ang karapatan ng mga kabataan para magkaroon ng magandang kinabukasan.

Ginawa ng heneral ang pahayag matapos na maligtas ang isang menor de edad at mapatay ang tatlong NPA kabilang ang isang 12 taong gulang na babaeng child warrior sa magkahiwalay na engkwentro sa Lianga, Surigao del Sur nitong June 14 at 15.


Giit ng opisyal, hindi ito ang unang pagkakataon na gumamit ng mga child warriors ang NPA dahil base sa profile ng 1,691 dating rebelde na sumuko mula 2016 hanggang 2020, 12.3 porsyento ang menor de edad.

Ang average age aniya ng mga ito ay 17 taong gulang kung saan ang pinakabata ay 12 taong lang.

Sa ngayon, inihahanda na ng EastMinCom ang mga kaukulang dokumento na nagpapatunay sa walang habas na paglabag ng liderato ng CPP-NPA sa probisyon ng International Humanitarian Law (IHL) na nagbabawal sa paggamit ng mga bata sa armadong pakikibaka.

Facebook Comments