AFP, Phil. Navy at PCG, magpapatuloy sa pagpoprotekta sa teritoryo sa WPS

Sa kabila ng panibagong insidente nang pangha-harass ng China sa mga tropa ng pamahalaan sa West Philippine Sea (WPS), tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) na patuloy na itataguyod ang soberenya ng bansa sa WPS.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, tatalima sila sa kautusan ng kanilang commander in chief na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na walang isusuko o ipamimigay ni katiting na teritoryo ng bansa.

Aniya, magpapatuloy ang Rotation & Reprovisioning mission ng pamahalaan sa WPS.


Giit nito, bukod kasi sa pag-ehersisyo ng sovereign rights at hurisdiksyon sa lugar, ang mga aksyon ng AFP sa Ayungin Shoal ay bilang pagtataguyod ng rules based international order, kung saan tumutupad lamang ang pamahalaan sa International Convention on the Law of the Seas (UNCLOS).

Kahapon, matatandaang binomba ng water canon ng Chinese Coast Guard ang Unaizah May 4 na isa sa dalawang supply ship na ginamit sa RORE mission sa mga sundalong nakaposte sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Maliban sa pambobomba ng tubig, nagsagawa rin ng dangerous maneuvers at blocking ang Chinese Coast Guard vessels at Chinese Maritime Militia sa mga barko ng Pilipinas na nagresulta sa pagkasugat ng apat na crew ng resupply vessel.

Facebook Comments