AFP, pinaigting ang ginagawang paghahanap sa 2 nawawalang aktibista

Puspusan ang ginagawang paghahanap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa dalawang nawawalang labor activists na sina Alipio Juat at Elizabeth Magbanua makaraang maglabas ang korte ng writ of amparo.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Jorry Baclor, nakipagpulong na si AFP Deputy Provost Marshal General Col. Danilo Dupiag kina Manila Police District (MPD) Head Brig. Gen. Andre Dizon at Intelligence Director Col. Samuel Paborito para malaman ang huling impormasyon sa dalawang aktibista bago sila mapaulat na nawawala noong Mayo 3.

Sinabi pa ni Baclor na nakipagpulong din si Col. Dupiag sa ilang indibidwal na huling nakasama ng dalawa bago sila mawala kabilang na dito ang isang nagngangalang Rogelio Dioquino ng Tondo, Manila kung saan ito umano ang huling nakasama ng dalawa sa Punturin, Valenzuela.


Nitong Oktubre, matatandaang nagtatag ang AFP ng fact-finding committee na layong magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa pagkawala nila Juat at Magbanua.

Maliban dito, nagpakalat na rin ng missing persons posters sa iba’t ibang lugar para matunton ang kinaroroonan ng dalawa.

Matatandaang itinuro ng Court of Appeals ang AFP sa pagkawala nina Juat at Magbanua dahil ang mga tropa umano ang dumakip dito noong Mayo 3 habang nakikipagpulong sa iba pang mga aktibista.

Facebook Comments