AFP, PINAIGTING ANG OPERASYON LABAN SA MGA NPA SA HILAGANG LUZON

Cauayan City – Pinaigting ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang operasyon laban sa natitirang yunit ng New People’s Army (NPA) sa Hilagang Luzon, partikular sa lalawigan ng Apayao.

Mula April 5 hanggang 11, nagsagawa ng security operations ang mga tropa ng Joint Task Force Tala ng 5th Infantry Division matapos makatanggap ng ulat ukol sa presensya ng mga armadong lalaki sa bulubunduking bahagi sa bayan ng Kabugao.

Ayon sa Northern Luzon Command (Nolcom), nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng militar at mga miyembro ng NPA na kabilang sa Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC).

Narekober sa lugar ang ilang matataas na kalibre ng baril, isang granada launcher, mga improvised explosive device, cellphone, at mga dokumento.

Iniutos ng militar ang pagpapatuloy ng pursuit operations, paglalagay ng blocking positions, at pakikipag-ugnayan sa lokal na pulisya at mga medical facility upang masakote ang mga sugatang rebelde.

Ayon kay Northern Luzon Command Chief Lieutenant General Fernyl Buca, layunin ng operasyon na tuluyang tanggalin ang presensya ng NPA sa rehiyon at pigilan ang pagtatayo ng mga ligtas na taguan ng mga rebelde.

Nagtala rin ng mga bakas ng dugo sa pinangyarihan ng engkwentro, na nagpapakita ng posibleng pagkasugat ng ilang rebelde.

Facebook Comments