AFP, pinuri ng opposition senators sa pagkasawi ng dalawang leader ng Maute

Manila, Philippines – Pinuri nina opposition Senators Antonio Trillanes IV, Kiko Pangilinan at Bam Aquino ang Armed Forces of the Philippines o AFP makaraang masawi ang dalawang leader ng Maute Terror Group na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon.

Ayon sa tatlong senador, dapat lang parangalan ang lahat ng mga sundalo, kasama ang mga nasawi, na nag-alay ng mabigat na sakripisyo para masupil at mapatay ang lider ng mga terorista na kumubkob sa Marawi.

Umaasa si Senator Trillanes na magiging hudyat na ito ng tuluyang pagtatapos ng karahasan sa bahagi ng bansa upang masimulan na ang healing process sa lahat ng mga naging biktima ng gulo.


Itinuturing naman ni Senator Pangilinan ito na mahalagang development at malaking bagay dahil mahigit 100 na ang nalalagas sa ating mga sundalo bunga ng pakikibaka sa mga terorista.

Si Senator Bam naman, umaasang aalisin na ang idineklarang martial law sa buong Mindanao at pagtutuunan ng pansin ang pagsasaayos at pagpapaunlad sa Marawi City.

Ito aniya ay para bumalik na sa normal ang buhay ng mga Maranao families na labis na naapektuhan ng kaguluhan.

Facebook Comments