Lumagda sa kasunduan si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana kasama ang iba’t ibang sports organizations para makapagsanay ang mga sundalo bilang World-Class na atleta.
Kasama sa mga lumagda sa kasunduan ay ang Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC), at Philippine Paralympic Committee (PPC).
Batay sa kasunduan, ang AFP ang magsu-supply sa PSC ng mga kwalipikadong atleta at coach para sa mga piling palaro.
Ang PSC naman ay tutulong sa pagtatatag, pag-o-operate at pagpapanatili ng Olympic-Class training facilities ng AFP, at ipagagamit ang kanilang training facilities sa militar.
Sasagutin din ng PSC ang gastusin ng mga representante ng AFP sa international competitions tulad ng South East Asian Games, Asian games, at World Olympics.
Habang ang POC and PPC naman ang bubuo ng mga training program para sa mga coach, referee, opisyal, administrador, at instructors.
Sinabi ni Gen. Sobejana na layunin ng kasunduan na itayo ang bandila ng Pilipinas sa larangan ng pandaigdigang palakasan.