Itinanggi ni Armed Forces of the Philippine – Southern Luzon Command Chief Lieutenant General Antonio Parlade Jr. na siya ang nagred-tag sa aktres na si Liza Soberano.
Ayon kay Parlade, na siya ring tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, wala siyang dapat ihingi ng paumanhin dahil binalaan lamang niya ang aktres sa pakikipag-ugnayan nito sa Gabriela na siyang pinapatakbo ng makakaliwang grupong Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA).
Sa katunayan, sinabi ni Parlade na nagpasalamat pa nga ang kampo ni Liza matapos niyang balaan ang aktres sa tunay na motibo ng Gabriela.
Nagulat din aniya ang pamilya ng aktres sa masamang gawi ng naturang grupo.
Paliwanag ni Parlade, walang masama sa adbokasiya ni Soberano, pero ang mali lamang ay ang grupong binahagian nito ng kanyang pananaw sa isang ginanap na webinar.
Giit ng opisyal, talagang target kasi ng Gabriela at iba pang mga makakaliwang grupo ang mga kilalang personalidad gaya ni Soberano, dahil umaasa ang mga itong marami pang maiimpluwensyahan.