Nagpahayag ng buong suporta ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagtalaga kay Carlito Galvez Jr., bilang bagong secretary ng Department of National Defense (DND).
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, tiwala silang magagampanan ni Galvez ang pamumuno sa DND dahil sa kaniyang malawak na karanasan bilang isang military commander at public servant, idagdag pa rito ang pamumuno ni Galvez sa laban sa COVID-19.
Paliwanag ni Aguilar, umaasa ang AFP sa liderato ni Galvez na mapapanatili ang “peace and security” na pinagtrabahuhan ng pamahalaan.
Nang tanungin naman tungkol sa morale ng AFP dahil sa pagbibitiw ni DND Senior Undersecretary Jose Faustino Jr., sinabi ni Aguilar na “focus” lang ang militar sa kanilang misyon.
Nagpasalamat naman sila kay Faustino sa pamumuno nito sa DND kasabay nang pagpapa-abot ng “best wishes” sa susunod na kabanata ng kaniyang buhay.
Nabatid na si Galvez ay dating nagsilbi bilang ika-50 chief-of-staff ng AFP, at naglingkod bilang Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity sa ilalim ng nakaraang administrasyon hanggang sa kasalukuyan bago na-appoint sa DND.
Samantala, bagaman welcome rin sa DND ang appointment ni Galvez, wala pang pahayag ang DND sa kung may kinalaman ba ang pagbibitiw ni Faustino sa pwesto sa hindi niya pagkakaroon ng secretary status sa kabila ng pagtatapos ng 1 year ban.
Mula kasi nang maging retired military personnel, ay kinakailangang maghintay ni Faustino hanggang November 2022 bago matalaga bilang Defense secretary.
Gayunman, walang naging anunsyo rito ang Malacañang at nanatili lang sa pagiging senior undersecretary at officer-in-charge ang kaniyang designation.