Siniguro ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nila kukunsitihin kung mapapatunayang may paglabag sa batas ang mga sundalong una nang nagpaturok ng hindi aprobadong COVID-19 vaccine.
Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, matured at professional organization ang AFP at kung may nagkakamali sa kanilang hanay ay hindi nila isasawalang bahala ito.
Sa katunayan aniya mas malalim na imbestigasyon ang inutos ni AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay para malaman kung sino ang nag-donate ng COVID- 19 vaccine sa mga tauhan ng Presidential Security Group at sino ang nanguna para mahikayat na magpa vaccine ang ilang mga PSG members.
Sa ngayon, ayon kay Arevalo patuloy na nagtatrabaho ang mga PSG member na naturukan ng COVID-19 vaccine.
Paliwanag pa ni Arevalo kaya nagpaturok ang mga PSG member na ito ay upang matiyak na hindi sila magiging banta sa buhay at kalusugan ng pangulo.
Gayumpaman, magiging sentro sila ng imbestigasyon lalo’t wala pang aprubadong COVID-19 vaccine ang Food and Drug Administration (FDA) sa bansa.
Hindi naman nagbigay ng deadline si General Gapay sa investigating team pero nais niyang matapos ito sa lalong madaling panahon.