Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na anim sa walong barko ng China Coast Guard at dalawang Chinese militia vessels ang paulit-ulit na humarang at nagbomba ng water cannons sa resupply boats ng PCG na nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal noong Sabado.
Sa statement ni Coast Guard Spokesman Commodore Jay Tarriela, inihayag nito na binuntutan ng mga barko ng China ang PCG vessels para mapaghiwalay ito sa ini-escortan na Armed Forces of the Philippines (AFP)-commissioned ship na green hull.
Iginiit naman ni Jonathan Malaya ng National Security Council ang kanilang pagkondena sa paglabag ng China sa humanitarian law matapos na malagay sa peligro ang buhay ng mga awtoridad ng Pilipinas.
Ito ay matapos ang pambobomba ng water cannon ng China Coast Guard sa mga barko ng PCG.
Tiniyak naman ng AFP na itutuloy nila ang resupply mission para matiyak na maipagpapatuloy ng tropa ng Pilipinas ang pagtupad sa kanilang obligasyon.
Ang panibagong pambu-bully ng China sa teritoryo ng Pilipinas ang naginag dahilan kaya nagsagawa ng joint briefing ngayong araw ang Department of Foreign Affairs (DFA), AFP, National Security Council at PCG.