Magpapatuloy ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagtutok sa kaso ng pagpatay ng siyam na pulis sa apat nilang sundalo sa Jolo, Sulu noong June 29, 2020.
Ito ay matapos na magsampa ng kasong murder at planting of evidence ang National Bureau of Investigation (NBI) na inatasang mag-imbestiga sa shooting incident laban sa siyam na pulis.
Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, nakitaan ng probable cause ang mga pulis kaya nasampahan ng mga kaso.
Naiintindihan naman ng AFP ang umiiral na rule of law at due process kung saan binibigyan ng pagkakataon ang mga suspek na pulis na idepensa ang kanilang sarili.
Pero para sa AFP, ang pagsasampa ng kaso sa mga sangkot na pulis ay unang hakbang para makamit ng mga nasawing sundalo ang hustisya.
Sa kabila naman ng pagtutok sa kaso nagpapatuloy naman ang pagtupad ng mga sundalo sa kanilang misyon na protektahan ang sambayanan laban sa mga nagnanais manggulo.