
Rumesponde ang mga tropa ng 71st Infantry Battalion ng Philippine Army sa mga nasalantang residente ng Barangay Dorongan, Mangatarem, Pangasinan.
Sa mahigpit na koordinasyon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Philippine National Police (PNP) nagsagawa ng sunod-sunod na rescue at evacuation ang mga sundalo sa mga sitio ng Papalyasen, Ketaket, at Sawat pawang mga lugar na lubog sa baha dulot ng walang tigil na pag-ulan.
Bukod sa paglilikas, naghatid din ng libreng sakay ang tropa sa mga residenteng stranded.
Kasama ang kanilang Search, Rescue, and Retrieval Team, sinuyod nila ang iba pang bahagi ng Mangatarem para masigurong ligtas ang mga residente mula sa banta ng pagtaas ng tubig.
Samantala, nailigtas naman ng Disaster Response Team mula sa Tactical Operations Group 3 ng Philippine Air Force (PAF) ang mga pamilyang na-trap sa rumaragasang baha sa Camiling, Tarlac.
Gamit ang mga espesyal na rescue equipment at mga taktikal na sasakyan, ligtas na nailikas ang mga residente patungo sa mga itinalagang evacuation center.









