AFP, umalma sa paratang na hindi daw sila ramdam sa panahon ng kalamidad

Mariing pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga alegasyon ng ilang netizens na tila nawawala at hindi nararamdaman ang presensya ng militar ngayong panahon ng tag-ulan at malawakang pagbaha sa bansa.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, sa katunayan walang tigil ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya ng gobyerno para tiyaking maagap ang disaster response.

Aniya, mahigit 30 disaster response task units at search and rescue teams na ang kanilang naipakalat, kasama ang higit 1,000 land assets, 48 air assets, at 25 sea assets sa mga binagyong lugar.

Bukod pa dito, naka-standby rin ang mahigit 1,100 teams o tinatayang 13,000 tauhan mula sa iba’t ibang sangay ng AFP na handang rumesponde anumang oras.

Giit ni Padilla, hindi lang bagyo at baha ang pokus ng AFP dahil kasalukuyan ding naghahanda ang militar para sa seguridad ng nalalapit na ika-apat na SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos, bukod pa sa pagbabantay sa internal at territorial security ng bansa at paglaban sa foreign malign influence.

Facebook Comments