Patuloy ang pakikipag ugnayan ng Visayas Command ng Armed Forces of the Philippines sa iba’t ibang Local Disaster Risk Reduction and Management Council sa Western Visayas kasunod ng pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon.
Ayon kay VISCOM Chief, LtGen. Fernando Reyeg, mahigpit ang ugnayan ng kanilang mga tauhan para tiyakin ang mabilis na pagresponde.
Sa katunayan, aabot sa 945 na mga residente ang inilikas ng 62nd Infantry Battalion sa ilang barangay sa Canlaon City, Bago City, Pontevedra, San Carlos City, La Carlota City at La Castellana sa Negros Occidental.
Mayroon din silang naka-standby na 464 na mga tauhan para magsilbing Humanitarian Assistance and Disaster Response Teams sa Western Visayas.
Kasunod nito, mahigpit na binabantayan ng VISCOM katuwang ang PNP at DRRMO ang mga bayang sakop ng 4 kilometer – radius Permanent Danger Zone.