Naka-standby lang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa anumang hihilingin ng Bureau of Corrections (BuCor).
Kaugnay ito sa proseso sa napipintong paglaya ng Amerikanong sundalo na si U.S. Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Ayon kay kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, sinabi nito na sa panig ng AFP, wala pa silang ginagawang paghahanda.
Aniya, ang BuCor ang in-charge sa detention, processing at actual release sa mga preso nila.
Pero dahil nasa loob ng Camp Aguinaldo, sinabi ni Arevalo na handa sila magbigay ng anumang tulong na kakailanganin ng BuCor.
Ngunit hanggang ngayon aniya ay wala pang natatanggap na request ang AFP.
Kahapon, una nang sinabi ng tagapagsalita ng BuCor na si Gabriele Chachlag na naghahanda na sila sa paglaya ni Pemberton makaraang gawaran si Pemberton ng absolute pardon.
Si Pemberton ay convicted sa kasong homicide dahil sa pagpatay sa Filipinang transgender na si Jennifer Laude noong 2014.
Anim hanggang sa 10 taon na pagkakakulong ang hatol sa kanya pero mahigit limang taon pa lang itong nakakulong ay nabigyan na ng absolute pardon.