AFP: Water cannons ng mga barko ng PCG at Philippine Navy, hindi gagamitin sa pambu-bully

Hindi tutularan ng Pilipinas ang China sa paggamit ng water cannon ng mga barko.

Ito ang sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr., kasunod ng pinakahuling insidente nang pambobomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon kay Brawner, mayroon din namang water cannon ang mga barko ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy pero hindi nila ito gagamitin sa pambu-bully.


Bagkus, gagamitin lamang aniya ang mga ito sa pagsagip ng buhay lalo na kung mayruong nasusunog na barko.

Kasunod nito, tiniyak ng opisyal na may mga plano sila saka-sakaling mangyari ulit ang nasabing pambu-bully ng China sa susunod na resupply mission para sa mga tropa na nakaposte sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Aniya, mayruong sinusunod na rules of engagement ang AFP.

Una nang sinabi ng opisyal na posibleng isagawa ang resupply mission ngayong linggo makaraang hindi makarating ang kalahati ng mga suplay ng mga sundalo dahil sa pang haharass ng China.

Facebook Comments