Kinumpirma ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP – WESCOM) na pwersahang kinuha ng Chinese Coast Guard ang nakuhang “unidentified floating object” ng Philippine Navy sa Pag-Asa Island kahapon.
Ayon kay AFP WESCOM Spokesperson Major Cherryl Tindog, nakatali sa barko ng Navy ang isang malaking debris nang harangin sila ng Rigid Hull Inflated Boat (RHID) galing sa barko ng China.
Pinutol umano ng Chinese vessel na may BOW number 5203 ang tali sa barko na may kargang debris at saka sapilitang kinuha ang debris.
Sinabi pa ni Tindog na hindi naman nagkatutukan ng baril at kumprontasyon dahil ipinatupad ng tropa ang maximum tolerance.
Paliwanag pa nito, nai-report na ng WESCOM sa National Task Force on West Philippine Sea ang insidente para sa karampatang aksyon.