
Matagumpay na naaresto ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang South African national matapos na makuhanan ng nasa ₱47.6 million halaga ng shabu sa Terminal 3 ng paliparan.
Kinilala ang banyaga na si alyas “Antonie” na dumating sa bansa pasado alas-7:00 ng gabi sakay ng Cathay Airways Flight CX 748 mula sa Hong Kong.
Ayon sa Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG), umabot sa 7,000 gramo ang bigat ng naturang iligal na droga.
Kasalukuyan namang nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act (Republic Act 9165) kung saan nakasaad na ipinagbabawal ang importasyon ng mga iligal na droga.
Samantala, agad namang nai-turnover sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Laboratory Service ang mga nakuhang shabu na siyang isasailalim pa sa isang qualitative at quantitative examination at proper disposition.









