
Inaresto ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) sa pakikipag-ugnayan sa NAIA-PDEA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), ang isang pasaherong African national na may dalang iligal na droga sa NAIA Terminal 3.
Ayon sa BOC, nadiskubre ang iligal na droga nang dumaan sa X-ray machine kung saan lumabas ang kakaibang imahe sa loob ng bagahe ng dayuhan.
Dahil dito agad isinagawa ang physical examination at dito na tumambad sa mga awtoridad ang humigit kumulang 6,000 gramo na hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P40,800,000.
Kasunod nito agad inaresto ang pasahero at ang mga nasamsam na iligal na droga ay itinurn-over sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa kaukulang kustodiya at karagdagang imbestigasyon.
Binigyan diin ni BOC-NAIA, District Collector Atty. Maria Yasmin O. Mapa, na mas pinalalakas ang pagpapatupad ng mga hakbang sa inspeksyon sa Paliparan katuwang ang ibang ahensiya upang matiyak na walang makakapag puslit ng iligal na droga papasok sa bansa.










