Pumalo na sa kalahating milyong pamilya ang naapektuhan ng bagyong Ompong.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director at administrator ng Office of Civil Defense (OCD) Ricardo Jalad, aabot na sa 508,076 na pamilya o higit dalawang milyong Pilipino mula sa 4,817 na barangay mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Cordillera at Metro Manila ang naapektuhan ng bagyo.
Nasa higit 13,500 pamilya o halos 57,000 na indibidwal na nasa loob at labas ng evacuation centers ang tinutulungan.
Sa datos pa ng NDRRMC, nasa 23 ang kumpirmadong patay, 134 sugatan at dalawa ang naitalang nawawala sa Regions 1,2,3,6, Cordillera at Metro Manila.
Nakapagtala rin sila ng 43 insidente tulad ng landslide at pagbaha sa rehiyon ng Mimaropa, 5, 6 at Cordillera.
Aabot na sa ₱17.9 billion pesos ang iniwang halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastraktura sa limang rehiyon sa bansa.
May kabuoang ₱100.8 million na halaga ng ayuda mula sa OCD, Department of Health (DOH) at iba pang ahensya na naipaabot sa mga biktima ng bagyo.
Nasa walong lalawigan at pitong lungsod at munisipalidad ang nasa ilalim ng state of calamity.