Agad na pagpapanagot kay suspended Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping, hiniling ng isang senador

Hiniling ni Senator Sherwin Gatchalian ang agad na pagpapanagot kay suspended Bamban,Tarlac Mayor Alice Guo o mas tinatawag na nila ngayong Guo Hua Ping.

Ito’y matapos lumabas sa pag-aanalisa ng National Bureau of Investigation (NBI) na pareho ang fingerprints nina Mayor Guo at Guo Hua Ping, indikasyon na iisang tao lang ito.

Ayon kay Gatchalian, hindi dapat balewalain ang panghahamak ni Guo Hua Ping sa batas ng Pilipinas at dapat na papanagutin ito sa batas sa lalong madaling panahon.


Sinabi ng senador na ang “matching fingerprints” ay nagpapatunay na totoo ang kanilang matagal na hinala na iisang tao lang si Mayor Guo at Guo Hua Ping at isa siyang Chinese citizen at hindi Pilipino.

Aniya pa, ang parehong fingerprints, mga dokumento na Special Investor Residence Visa (SIRV) na ibinigay sa ina nitong si Lin Wen Yi, at ang mga records mula sa Bureau of Immigration (BI) ng mga byahe nila ay nagpapakita ng hindi maitatangging ebidensya ng panloloko para maisakatuparan ang mga masasamang gawain.

Facebook Comments