Umapela ng agad na pagpapatibay sa panukalang pagbuo ng Philippine Center for Disease Prevention and Control (CDC) ang ilang mga senador.
Sa co-sponsorship nila Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senator Christopher Bong Go, kapwa nanawagan ang dalawang senador sa mga kapwa mambabatas para sa agarang pagapruba sa panukala.
Ang CDC ang siyang mangunguna sa mga pagsasaliksik, pagtaya, estratehiya at standard development para sa pagiingat at pagkontrol ng lahat ng mga sakit na mahalaga para sa pampublikong kalusugan at health security events, ito man ay nagmula sa loob o labas ng bansa.
Iginiit ni Villanueva na hindi na dapat maulit sa hinaharap ang nangyari sa COVID-19 pandemic.
Mahalaga aniyang maging handa lalo pa’t lumabas sa isang pagaaral sa ibang bansa na malaki ang tsansa na muling maranasan ang kaparehong pandemya.
Para naman kay Go, ang paglaban sa mga sakit ng maagap at wasto ay nangangailangan ng reorganization at pagpapalakas ng health units na mahalaga para sa prevention at control ng mga nakahahawang sakit.
Kumpyansa din si Go na kapag ganap nang naitatag ang CDC ay mas magiging handa na ang gobyerno na harapin at tugunan ang anumang public health emergency sa hinaharap.