Hiniling ni Anak Mindanao Partylist Rep. Amihilda Sangcopan ang agad na pagpapatibay sa panukalang pumoprotekta sa mga wetland sa bansa sa pagbabalik sesyon.
Kasabay ito ng pagkakaapruba kamakailan ng House Committee on Natural Resources sa House Bill 3460 o “National Wetlands Conservation Act”.
Layunin ng panukala na protektahan ang karapatan ng mga tao para sa balanse at malusog na ecology at dagdag pa dito ang paglalatag ng mga hakbang para sa conservation at responsableng paggamit ng wetlands at resources nito na nakalinya sa prinsipyo ng sustainable development, food security, biodiversity conservation, at disaster risk reduction and management.
Iginiit ni Sangcopan ang agad na pag-apruba sa panukala lalo’t hindi lang napapanahon kundi kailangan na kailangan na ring maprotektahan ang mga wetlands at ang ecosystem ng bansa.
Bukod sa malinis na tubig ay kabuhayan at pinagkukunan din ng pagkain ang mga wetlands, tahanan din ng “biodiversity” gayundin ay nakakatulong para maiwasan ang matinding pagbaha at tagtuyot.
Sakop ng polisiya ang lahat ng inland, coastal, marine at man-made wetlands sa Pilipinas.