
Umarangkada na sa Senado ang unang pagdinig sa panukalang Anti-Political Dynasty Bill na nagbabawal sa mga magkakamag-anak na sabay-sabay kumandidato at manungkulan sa pamahalaan.
Sa pagbubukas ng pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms, nanawagan si Senator Risa Hontiveros, chairperson ng komite, na agarang ipasa ang panukalang Kontra Dinastiya Bill.
Tinukoy ni Hontiveros ang masamang epekto ng political dynasties, kabilang ang paghina ng checks and balances at accountability, paglala ng kahirapan, at pagtindi ng political violence sa bansa.
Ipinunto naman ni Senator Kiko Pangilinan na may malinaw na clamor mula sa publiko para sa pagsasabatas ng panukala. Batay aniya sa Pulse Asia Survey noong Disyembre ng nakaraang taon, mahigit kalahati ng mga Pilipino ang naniniwalang ang Anti-Political Dynasty Law ang susi sa paglaban sa malawakan at sistemikong korapsyon sa gobyerno.
Samantala, sinabi ni Senator Erwin Tulfo na handa siyang tumalima at igalang ang panukalang batas kahit pa bahagi rin siya ng isang political dynasty.
Gayundin si Senator JV Ejercito na umaming kabilang at nakinabang sa political dynasty, ngunit suportado pa rin ang panukala upang mabigyan ng pagkakataon ang iba na kumandidato at manalo sa halalan.










