Iginiit ni Senator Mark Villar, ang kahalagahan na maisabatas ang panukala para sa prevention at intervention para labanan ang suicide sa hanay ng mga kabataan.
Hiniling ni Villar, ang agad na pagpapatibay sa Senate Bill 1669, o an Act to Provide Early Youth Suicide Intervention and Prevention Expansion, matapos ang pinakahuling kaso ng pagpapakamatay ng isang 7th-grade student na tumalon sa gusali ng kanilang paaralan.
Dito ay magbibigay ng kinakailangang pagsasanay at awareness para sa mga concerned stakeholders na nasa loob ng mga paaralan at pagkakalooban din ang mga kabataan ng kinakailangang intervening methods tulad ng counselling at mental health improvement sessions.
Pinalalakas din dito ang pagkuha ng mga eskwelahan ng psychologist upang habang maaga ay mayroong mamagitan sa mga mag-aaral na dumaranas ng matinding mental health problem.
Binigyang-diin ni Villar, ang pangangailangan na matutukan ang mental health ng mga kabataan lalo ngayon na pataas ng pataas ang mga nagpapatiwakal kung saan naitala noong academic year 2021-2022 ang 404 na mga estudyanteng nasawi dahil sa suicide habang 2,147 naman na mga magaaral ang nagtangkang kunin ang sariling buhay.