Kinwestyon nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senator Panfilo “Ping” Lacson at Senator Risa Hontiveros ang pagsapinal agad ng gobyerno sa kasunduan sa Chinese firm na Sinovac na wala pang aplikasyon para sa Emergency Use Authorization (EUA) sa Food and Drug Administration (FDA).
Sa pagdinig ng Senado ay sinabi ni FDA Director General Eric Domingo, tanging ang US firm na Pfizer at British firm na AstraZeneca pa lang ang may aplikasyon para sa EUA.
Dahil dito ay naghihinala si Lacson na sinasadyang paboran ng pamahalaan ang Sinovac kahit may ibang nag-a-apply at malapit nang makakuha ng EUA.
Paliwanag naman ni National Task Force Against COVID 19 Chief at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., tanging term sheet pa lang ang nilalagdaan ng Pilipinas para sa 25-milyong doses ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Galvez, kapag walang term sheet na nagdedetalye ng terms of payment at delivery ay mawawala ang kukunin nating bakuna at mapupunta sa ibang bansa.
Dagdag pa ni Galvez, siguradong mapag-iiwanan ang Pilipinas kapag uunahing hintayin ang EUA bago ang pakikipag-negosasyon sa pagbili ng bakuna.