AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones, kinumpirma na siya ang nasa viral na larawan at video na nanunuod ng online sabong habang nasa sesyon

Inamin na ni AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones na siya ang nasa viral na mga larawan at video na naispatang nanonood umano ng online sabong habang nasa sesyon ng Kamara nitong Lunes.

Pero paglilinaw ni Briones, hindi E-sabong ang kanyang pinapanood kundi link na pinadala ng kanyang pamangkin na noong buksan nya ay video pala ng sabong.

Diin pa ni Briones, kahit minan ay hindi pa siya pumasok ng sabungan, hindi rin siya marunong ng online gaming at wala siyang gcash at money transfer na kailangan para makapaglaro ng sugal online.

Ayon kay Briones, malinis ang kanyang konsensya at handa syang humarap sa Ethics Committee kung may maghahain ng reklamo laban sa kanya.

Dismayado naman si Briones sa kumuha ng larawan at video dahil bukod sa nilabag ang kanyang privacy ay hindi man lang siya tinanong kung E-sabong ba ang kanyang pinapanood.

Sa kabila nito ay walang plano si Briones na kasuhan ang kumuha ng larawan at video niya pero sana ay humingi ito ng despensa dahil sinira nito ang reputasyon nya at ng House of Representatives bilang institusyon.

Facebook Comments