
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagbabayad sa mga contractor ng gobyerno na tumupad sa kontrata at maayos ang naging trabaho sa mga proyekto.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro naniniwala ang Pangulo na kung tapat na tutuparin ng gobyerno ang obligasyon nito sa mga responsable at maayos magtrabahong contractor, mas bibilis at mas magiging maayos ang pagtatapos ng mga proyekto na agad mapapakinabangan ng mga Pilipino.
Inatasan din ng Pangulo ang mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng national government at local government units upang masubaybayan ang pagpapatupad ng mga proyekto.
Matatandaang pansamantalang ipinatigil noon ng Pangulo ang pagbabayad sa mga contractor habang iniimbestigahan ang mga proyekto na may hinihinalang anomalya.
Layunin nito na maprotektahan ang pondo ng bayan at matiyak na tanging ang mga proyektong maayos ang pagkakagawa at natapos sa tamang oras ang babayaran.










