Iginiit ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva sa Department of Labor and Employment (DOLE) na magpadala agad ng team na binubuo ng mga labor inspectors sa Muntinlupa.
Ito ay para imbestigahan kung nasunod ba ang safety protocols sa konstruksyon ng Skyway na ang bahagi ay bumagsak sa mga sasakyan sa East Service Road kaninang umaga kung saan isa ang nasawi at apat ang nasugatan.
Diin ni Villanueva, ang agarang imbestigasyon ng labor inspectors ay kinakailangan upang matukoy ang sanhi at makapagbigay ng solusyon sa problema para siguraduhing hindi na ito mauulit.
Ayon kay Villanueva, isang peligrosong lugar-paggawa ang mga construction site kaya dapat ay mahigpit ang pagpapatupad ng mga safety measures upang siguraduhin na walang aksidente na mangyayari at mabawasan ang mga risk factors.
Si Villanueva, ang principal author at sponsor ng Occupational Safety and Health Standards (OSHS) Law na nag-aatas sa mga employers na tiyaking ligtas ang kanilang mga lugar-paggawa para protektado o ligtas ang kanilang mga empleyado.