Dumagdag na sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senator Risa Hontiveros sa mga senador na nagmumungkahi sa pamahalaan na pakinggan ang payo ng mga eksperto.
Ito ay ang hirit na magpatupad muli ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) kung kinakailangan dahil sa tumataas na namang COVID-19 cases, kasama ang Delta variant.
Pero si Recto, ikinumpara ang pagpapatupad ng lockdown sa pagbibigay ng gamot na hindi magiging epektibo kung walang kasamang pagkain o ayuda sa mga maaapektuhan.
Ipinaalala rin ni Recto na dapat may safety nets para sa mga ilalagay na checkpoints sakaling matuloy ang pagpapatupad ng lockdown na dapat ding maipaliwanag na mabuti sa sambayanan ng pangulo.
Diin naman ni Senator Hontiveros, anumang diskusyon pagdating sa circuit breaker, ay dapat may kasamang usapan tungkol sa ayuda lalo na at kulang pa rin ang pagbabakuna, testing at contact tracing.
Ayon kay Hontiveros, dapat lubusin ng gobyerno ang paghahanda at gawin ang lahat upang hindi tayo matulad sa pagdurusang sinapit ng India at Indonesia dahil sa paglobo ng kaso ng delta variant.